Isa sa mga pinakamatatandang organisasyon sa Ateneo na nananatiling aktibo at punung-puno ng kasiglahan ang Gabay.
Itinatag noong 1976 ni Gng. Chit Concepcion (Tita Chit para sa mga Gabayano) kasama ang ilan pang mga estudyante, unti-unting lumaki at nakilala ang organisasyong ito sa buong komunidad ng Ateneo. Bilang tugon sa dumaraming bilang ng mga iskolar na nagsisimulang makapasok sa Ateneo, nakipagpulong si Fr. Bienvenido Nebres, kay Gng. Concepcion at hinikayat itong magtayo ng isang organisasyong tutugon sa mga pangangailangan ng mga unang iskolar ng Ateneo at magbibigay sa kanila ng tahanan dito. Sa tulong ng mga nangunguna at naggagalingang estudyante sa kolehiyo, tinipon nila ang mga iskolar at binuo ang Gabay na noo'y may layuning tumugon sa mga pang-akademikong pangangailangan ng mga iskolar at sa pag-aangkop ng kanilang sarili sa naiibang komunidad ng Ateneo. Isinagawa nila ito sa pamamagitan ng sistemang kapatiran kung saan ang bawat isang iskolar ay may ate o kuya na maari niyang lapitan at hingan ng tulong. Naging epektibo ito sa pagbibigay ng lakas ng loob sa mga iskolar noon at sa kanilang pag-aangkop sa buhay kolehiyo. Pagkatapos nito'y gumawa rin sila ng iba pang mga gawaing higit na makatutulong sa mga iskolar tulad ng sportsfest, summer job programs, book lending, at iba pa. Nagkaroon din sila ng mga fund raisers para sa mga gastusin ng samahan sa pamamagitan ng caroling at iba pa.